\"Writing.Com
*Magnify*
SPONSORED LINKS
Printed from https://www.writing.com/main/view_item/item_id/1135323-Alamat-ng-diyamante
Item Icon
\"Reading Printer Friendly Page Tell A Friend
No ratings.
Rated: E · Fiction · Mythology · #1135323
Alamat ng diyamante (Legend of diamonds), in Filipino
Ang unang gabing walang tala (Alamat ng diyamante)
Para sa natatanging Kabituka ko
ni Erinys Seraphimiko

Si Mabuti
Bago pa lang ang mga Islang Ligaw, at bata pa ang mga anak nina Maganda at Malakas. Tahimik ang mga yapak sa damo ni Mabuti, ang paboritong apo ni Maganda. Dala-dala ang mga puting rosas na iaalay sa diyosa, pagpatak ng gabi ay nagsimula na siyang mamitas at maghanda ng kanyang alay.
Madalas humiga sa bukid sa Mabuti, at ilang oras siyang tumititig sa mga bituin sa langit. Unan niya ang mga ulap, kumot niya ang langit, at panaginip niya ang mga bituin. Habang nakahilata ang kanyang mahahabang binti at nakatupi ang mga mala-galamay na kamay, sinara niya ang kanyang itim na mata at hinipan ang itim na buhok. 'Sana ay parating gabi.'

Si Tala
Ang diyosa ng mga bituin, ang sinusunod ng lahat ng mga bituin sa langit, ang
anak nina Manalastas at Munag Sumalâ, ang apo ni Apung Sinukuan, ay ang nagliliwanag na si Tala. Siya ang paborito ng kanyang lolang si Apung Malyari, kaya naman maliban sa buwan, si Tala ang pinakamaliwanag na nilalang sa langit, at hanggang sa madaling-araw ay umaabot ang kanyang liwanag.

Si Martina
Mahaba at itim ang kanyang buhok tulad ng kailaliman ng gabi, ngunit sa araw lamang siya makikita, kasama ni Mabuti. Nililibot nila ang mga sapa, bukid, at burol sa kanilang barrio, nagtatawanan, nag-uusap. Subalit maikli ang kasiyahan ng mga mangingibig sapagkat sa paglubog ng araw ay nagmamadaling umuwi si Martina sa tawag ng kanyang lola.

Si Apung Malyari
Isang mapayapang gabi, hindi sumama sa kanya ang mahal niyang si Tala. Buo siya nang gabing iyon, dilaw at maliwanag. Walang kaulap-ulap sa langit, at wala rin ang mga bituin. Para kay Apung Malyari, kung wala si Tala ay hindi buo ang larawan ng langit. Ito ang unang gabing wala si Tala.

Si Masipag
Nagtataka siya at ang lahat ng kanyang mga kabarrio kung nasaan ang mga bituin. Kailangan nila ito para sa kanilang mga paglalakbay, panghuhula, at pag-aalay. Hirap ang mga tao sa pagkawala ng mga bituin. May nagawa ba silang kasalanan sa diyosa? Nagtataka rin si Masipag sa nabanggit ng kanyang kaibigang si Mabuti: nakakita raw siya ng isang babaeng tunay na nakabighani sa kanya, at hindi ito si Martina. Gusto raw niya ng kasamang tumitig sa gabi.

Si Apung Sinukuan
Maliwanag ang umaga, mainit, malagkit. Madalas panoorin ni Apung Sinukuan ang mga batang mangingibig habang sila ay nagliliwaliw sa lupa. Pero may naiiba ngayon, iba ang kasama ni Mabuti. Nawawala ang babaeng gabi ang buhok, napalitan siya ng babaeng kulot. Masaya rin silang naglalaro kung saan-saan, at kitang-kita sa mukha ni Mabuti ang kagalakan.
Sa paanan naman ng bundok ay nakita ni Apung Sinukuan ang babaeng gabi ang buhok, at siya'y malungkot. Hindi napawi ng kahit anong salita ang simangot sa mukha ng bata. Tinanong siya ni Sinukuan kung bakit hindi siya nagagalit, kung bakit pasensyoso niyang hinayaang mawala ang kanyang iniibig.

Si Apung Malyari
Sa wakas ay nagbalik ang ningning sa gabi nang makasama muli ni Malyari si Tala. Nang tinanong ni Malyari si Tala ng bakit at ano, sumagot lamang siya na gusto niya umiyak. Masakit, masarap, at mahirap. Kaya hinayaan ng lola umiyak ang apo.

Si Magalang
Nakahiga sila ni Mabuti sa bukid at pinapanood ang mga bituin. Tinuro ni Mabuti ang paborito niyang bituin--ang bituin ng diyosang inaalayan niya ng puting rosas. Nang gabing iyon ay umulan ng bituin at tila sila'y nagsisipaghulog. Bumulong ng pangarap sina Mabuti at Magalang.

Si Masipag
Nakita niyang umulan ng bituin bago siya pumikit. Nahabol niya ang bulong ng kanyang pangarap, kaya naman paggising niya ay maliksi siyang tumakbo papunta sa taniman ng mga puting rosas upang maghanda ng alay sa diyosa. Malaking pagkagulat ang sumalubong sa kanya sapagkat namatay ang lahat ng puting rosas! Mukhang natamaan sila ng pag-ulan ng bituin. Malungkot na pinulot ni Masipag ang mga rosas upang ibaon sa lupa, at sa paghukay niya ay may matigas at makinang siyang natamaan. Hukay, hukay, hukay, hanggang sa natagpuan niya ang mga kumikinang na batong hugis luha, na mukhang mga bituin sa lupang langit.
© Copyright 2006 Erinys Seraphimiko (sublimefuries at Writing.Com). All rights reserved.
Writing.Com, its affiliates and syndicates have been granted non-exclusive rights to display this work.
Printed from https://www.writing.com/main/view_item/item_id/1135323-Alamat-ng-diyamante