\"Writing.Com
*Magnify*
SPONSORED LINKS
Printed from https://writing.com/main/view_item/item_id/1617680-Dapat-Sanay-Tula-ng-Pag-ibig
Item Icon
Rated: E · Poetry · Nature · #1617680
an elegy reminiscing the disasters that wrought havoc in the philippines
Dapat Sana’y Tula ng Pag-ibig

Kapag umuulan, gusto kong tumula
Tungkol sa pag-ibig.
Ang bawat tikatik ay pintig
Ng pusong sa pag-ibig ay sabik.

Ngayon akinse ng Hunyo, Sabado, araw ng sweldo
Walang romansa sa dibdib na pinukaw
Ang ulan; Wala siyang sinabi
Tungkol sa halik
O tamis ng pagtatalik.

Nagmaramot ang araw ng hapong iyon.
Kinubabawan ng gabing walang bituin
Ang alinsangan ng pagsasaya.
Pansinin kaya ng napuwing na turista
Ang naka-kapoteng puta?

Umulan ng asupre noon,
A-15 ng Hunyo, Sabado, araw ng sweldo.
Binalot ng abo ang lunsod,
Nagmistula itong malawak na puntod.
Ang kabukiran ay naging libingan
Ng nalugsong yaman.
At malinaw naman, nakita ko
Nakipaglibing ang lahat,
May pandong sa ulo,
Hilam sa luha, napansin ko.
Dahil sa siphayo o pagkapuwing
Mahirap sabihin. Sapat nang banggitin
Na ang mga pangarap ay kasamang inilibing
Sa bayang ngayo’y kinain ng buhangin.

Umulan din noon. A-16 ng Hulyo.
Malakas na ulang haginit
Ng latigong nagngangalit.
Hinagupit ng buong lupit
Ang mga bubong at atip;
HInalihaw ang mga estero, binutas
Ang mga kalsada, parang baliw
Paikit-ikit sa gitna
Ng karimlang pusikit.

Maagang nagkanlong ang araw
Sa lambong ng dilim
Ng hapong iyon, alas kwatro kung tama
Ang orasan sa dinding.
Pagkuway umatungal
And dambuhala ng lupa,
Nagalit ang mga bathala,
Pinakawalan ang sumpa.
May dumagundong, malakas na ugong
Higanteng bato’y gumulong
Ang lunsod ay dinaluhong.

Ay , naku, Panginoon!

May
Ilang
Saglit
Ng balisang
Katahimikan
Ang
Sumalit.

Hanggang matuklasang
Gumuho ang mga kinonkretong panaginip
Nilamon ng lupa ang kanyang mga anak
Binawi ng dagat ang dalampasigan
Pinatay ang hingalong kinabukasan.
At pinunit ng hinagpis
Ang nalalabing tibay ng dibdib.
Bumulwak ang hapis
Sa di makakibong bibig.

Kapag umuulan, gusto kong tumula
Tungkol sa pag-ibig.
Ang bawat tikatik ay titik at pintig
Ng pusong sa pag-ibig ay sabik.

Pero ngayon, hatid ng ulan ay tigatig.
Wala siyang kwento
Sa romansa o pagkasabik sa halik.
Nagbabanta siya ng panganib
At ang dalang ala-ala
Ay sa kanila na may mukha
Ng hapis.

Kapag muling umulan, tutula ako
Ng tungkol sa galit.
© Copyright 2009 benguetcoffee (saracho at Writing.Com). All rights reserved.
Writing.Com, its affiliates and syndicates have been granted non-exclusive rights to display this work.
Printed from https://writing.com/main/view_item/item_id/1617680-Dapat-Sanay-Tula-ng-Pag-ibig