No ratings.
this is a personal experience. it is also an entry in my creative writing course |
Hatinggabi na nang matapos ang aming pag-eensayo. Maya-maya lang ay nag-aya na si Yang na umuwi kami ng sabay-sabay. “ Ihatid nyo muna ako sa bahay ko sa may 5th of September”, wika ni Emil. Umaawit pa rin kami habang papalabas ng Vega. Pansin mo pa rin sa kahabaan ng grove ang mga estudyanteng nagliparan na animo’y mga paniki—punong-puno ng saya habang di pa dumarating ang umaga. Panay naman ang pagsasalita ni Quino habang ako ay oo lang ng oo. Ganyan talaga si Quino—makwento. Asul na towel at celfone lamang ang bitbit nya nung gabing iyon. Dala ko naman ang pink kong bag na bili pa sa Paete ng kapatid ko. Mahalaga ang mga laman noon: id, Sony Ericsson T100 na celfone, at malaking pabangong Baby Bench na regalo ng tito ko noong kaarawan ko. Maamoy mo rin sa loob ang Chippy na tira ko noong kami ay nageensayo. Di namin mapigil ang kwentuhan at tawanan habang binabaybay namin ang FO Santos. Bihira na ang mga sasakyan na pumaparoo’t parito. Ramdam mo na rin ang lalim ng gabi at iba na ang tono ng kahol ng mga aso. Papalapit na kami sa may 5th of September. Nakakapanindig balahibo ang paligid—madilim, walang ilaw ang poste at lubak-lubak ang daan. “O sige, dito nalang ako, ingat kayo”, at pumasok na si Emil sa makipot na eskinita patungo sa apartment nila. Ngayon naman ay patungo na kami kina Yang. Sa mata ng isang freshman ay parang napag-iwanan na ng kabihasnan ang lugar na dinadaanan namin. Dumaan kami sa harapan ng 5th of September at lumiko pakaliwa. Maya-maya lang ay may humagibis na traysikel sa kalsadang dinaraanan namin. Biglang may bumabang tatlong lalake na mukhang goons—nakasuot ng itim at may itim na bonet. Ay! Holdap na pala ito! Hinuli nila ang dalawa kong kaibigan. “Holdap to! Holdap to! Walang sisigaw!” Tinutukan nila ng kutsilyo si Quino at hinawakan ng mahigpit si Yang. Tumakbo ako papalayo, sa pag-aakalang hindi nila ako mahuhuli, pero sa isang saglit lang ay may mahabang baril na na nakatutok sa akin. “O saan ka pupunta?!” “Sori po, sori po!”, wika ko habang nakataas ang dalawa kong mga kamay. Pakiramdam ko noon ay iyon na ang aking huling gabi. Konting maling kilos lang ay pwede ka nang paputukan. Napuno na kami ng takot at hindi na namin malaman ang gagawin. Inisprayan ng tear gas sa mukha ang dalawa kong kasama. Bigla kong itinagilid ang aking ulo nang maramdaman ko na may sumisirit na sa mukha ko. Hindi nahagip ng tear gas ang kanan kong pisngi. Pero sa kabila ay ramdam na ramdam ko ang hapdi. Hindi ako makamulat at makahinga. Ang sakit. Ang baho. Kinuha nila ang celfone ni Quino saka ang bag namin ni Yang. “Akina ang bag mo!” Buong takot kong binigay ang aking bag. Hindi ko na inalintana ang mga laman noon. Buhay na namin ang nakataya rito. Pinadapa nila kami sa tabi, sa may damuhan. Sabay pinaputok sa tabi namin ang dala nilang baril. Bang! Sabay sakay sa dala nilang traysikel. Sobrang lakas at kabingi-bingi ang putok nito. Akala ko noon ay may binaril sa isa sa amin. Hindi ko alam kung iiyak ako o sisigaw sa sandaling iyon. Namanhid na ang katawan ko sa sobrang takot. Sabay-sabay kaming tumayo at pumunta sa pinakamalapit na lugar na may tao—ang 5th of September. Sinalubong kami ng gwardya, walang kamuwang-muwang sa nangyari. Pinapasok kami at pinaghilamos. Noong gabing iyon ay umuwi akong walang dala kundi ang takot. Saka ko lang naramdaman ang lungkot na nakakabagabag at panghihinayang sa mga gamit kong nasa kamay na ng mga tulisan. Buti nalang hindi nila kami binaril. Marahil ngayon ay bahagi na kami ng kasaysayan ng UPLB. Ang gabing iyon ay lubhang naging aral sa akin. Naging daan ito para lubos kong maunawaan ang kahalagahan ng buhay. Laking pasasalamat ko na kahit dumaan kami sa kamay ng mga taong nakakapit sa patalim ay nakauwi parin kaming humihinga. Ngayon ay mag-iingat na ako. Uuwi na agad ako sa bahay pagkatapos ng mahahalagang gawain. Hindi na ako pupunta sa madidilim na kalsada. Hindi na ako dadaan sa may 5th of September. |